Kinatuwaan at kinagiliwan ng maraming netizen ang tubig-baha sa munisipalidad ng Pakil sa Laguna nitong Biyernes lamang dahil sa malinis at malinaw ito matapos ang pananalasa ng bagyong Ulysses sa malaking bahagi ng Luzon.
Ayon sa may-ari ng mga larawan na si Lorraine Antazo, hindi na umano bago sa kanilang lugar sa Barangay Burgos ang ganito kalinaw at kalinis na tubig baha sa tuwing umaapaw ang Malaking Ilog na itinuturing din nila na fish sanctuary.
Saad ni Lorraine sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News,
“Monthly din kasi nililinis yan ng [mga] concerned citizen ng ilog like iyong [ibang] kababaihan.”
Sa isang post naman sa Facebook mula kay Pakil Mayor Vince Soriano, natural na umano na malis ang tubig na dumadaloy sa kanilang lugar dahil ito ay galing sa Turumba Spring Resort kaya naman ganoon na lamang ang kinalabasan ng baha sa kanila nang humupa ang bagyo.
Ani Soriano,
“Para po sa kabatiran ng lahat, ang ilog pong ito ay natural na malinis dahil ang tubig na dumadaloy dito ay nanggagaling direkta sa Turumba Spring Resort. Deklaradong Fish Sanctuary rin po ito ng aming bayan.”
Sabi niya,
“Kapag unang baha lalo na galing bundok iba ang kulay, brown. After po nun napapalitan ng magandang kulay na nagmumula sa bukal sa Turumba… at iba pang mga bukal sa ilog.”
Nilinaw din niya na hindi madalas na bumabaha sa kanilang lugar.
Ang mga nasabing larawan ay ibinahagi ni Lorriane bago dumating ang bagyong Ulysses kung saan makikita pa ang mga isda sa ilog. Hindi sila umano maaaring mamingwit doon dahil ito ay may multa.
Para naman kay Soriano, kung nasa palayan na ang mga isda at nakawala na ang mga ito sa ilog ay maaari naman na nila itong bingwitin.
"Yong mga malalaking isda dito na nakawala na sa ilog at nasa mga palayan na sa paligid nito ay pwede na pong bingwitin. Pero pag nasa loob pa rin po ng ilog, magmumulta pa rin pag hinuli ang mga ito ayon kay Kapitan Manny Laciste."
Source: The Relatable
No comments