Dahil sa påndemya ay maraming tao ang nawalan ng trabaho at mas lalong humirap ang pamumuhay.
Halos lahat ng kompanya ay nagsara at kinailangang magbawas ng mga empleyado dahil sa kakulangan ng kanilang pondo. Kaya naman kanya kanyang diskarte upang kumita ang ginawa ng mga Pilipino.
Ang ilan sa atin na nawalan ng trabaho ay nag-isip ng mga pagkakakitaan. Hindi madali ang pumasok sa isang negosyo dahil hindi natin alam kung tayo ba ay magtatagumpay.
Samantala, isang netizen ang naging milyonarya dahil sa kanyang special leche flan.
Ayon kay Princess San Diego, labing apat na beses na umano siyang nagtayo ng negosyo pero lahat ng iyon ay nabigo.
Nasubukan na niya ang magtinda ng mga gadgets online, magtinda ng mga barbeque at magkaroon ng sariling kainan. Ngunit lahat ng iyon ay hindi naging matagumpay.
Taong 2016 umano ng maranasan ni Princess ang mga nabigo niyang negosyo. Ganun pa man ay hindi siya nawalan ng pag-asa sa kabila ng hirap at pagod na kanyang pinagdaanan.
Samantala, noong mga panahon na iyon ay nakahiligan niya ang paggawa ng mga matatamis na pagkain o “desserts.”
Tuwing nagpopost siya sa social media ay marami sa kanyang mga kaibigan ang nagtatanong tungkol sa mga gawa niyang desserts. Dito naisipan ni Princess na gawing negosyo ang kanyang hilig.
Nagsimula si Princess sa halagang Php1,000 na puhunan kung saan nakagagawa siya ng 25 piraso na tin can matcha-flavored leche flan.
Ang kada piraso daw ay binebenta niya ng Php150. Mabenta raw ito kaya naman mabilis maubos. Ani Princess, wala pa raw isang linggo ay naging triple na agad ang kayang puhunan.
Dahil sa dami ng tumatangkilik sa gawa ni Princess ay kumikita na siya sa ngayon ng P20,000 sa loob lamang ng isang linggo.
Kwento niya, upang hindi magsawa ang kanyang mga customers ay gumawa rin siya ng iba’t ibang flavors ng leche flan katulad ng Coffee milk tea, Tiramisu , Peruvian flavored flan, Dalgona avocado gelato, at Caramel.
Ang isa raw sa pinaka sikat o mabenta niyang produkto ay ang tin can na ang laman ay iba’t ibang flavor.
Talaga namang nakakahanga si Princess dahil sa kanyang determinasyon at pagsisikap ay nakamit niya ang tagumpay. Sa kabila ng ilang beses na pagkabigo ay hindi siya sumuko at nanatiling positibo sa buhay.
***
Source: Artikulo Uno
Source: News Keener
No comments