Sa isang emosyonal na post, binunyag ng dating ABS-CBN anchor na si Anthony Taberna na ang kaniyang panganay na anak na si Zoey ay nakikipaglaban ngayon sa sakit na leukemia at nito lamang ay nakakaranas na ng paglalagas ng buhok dahil sa chemotherapy.
Noong Miyerkules, Disyembre 2, ibinahagi ni Anthony ang larawan ng kaniyang 12 taong gulang na anak na nagpakalbo na para sa kaniyang pagpapagamot.
Ani ng broadcaster sa kaniyang Facebook post,
"Hindi ko akalain na papayag si Zoey na ipakita sa madla ang larawan na ito. Nakangiti siya pero alam kong durog na durog ang puso niya nung nag-umpisang malagas ang kanyang buhok dahil sa chemotherapy."
Dagdag pa niya,
"Nung pumayag si Zoey na magpakalbo at nalaman kong papunta na sa ospital ang misis ko kasama si Ate Tet, umalis na muna ako.
Inamin din ng DZRH anchor na hindi niya mapigil na maluha matapos makita ang video kung saan kinakalbo ang anak.
"Akala ko ay malakas na ako. Marupok pala. May video habang kinakalbo si Zoey. At tuwing makikita ko iyon, hindi ko mapigil ang pagpatak ng aking luha."
Sa kabila ng sitwasyon na kinakaharap nila ngayon, hindi naman mapigil ni Anthony na humanga sa katatagan at lakas ng loob ng kaniyang anak. Nauna nang i-post ni Zoey ang kaniyang larawan sa kaniyang Instagram account kung saan makikita na siya ay kalbo na.
"Ang wala o maikling buhok ang isa sa dahilan ng insecurity ni Zoey. Pero nung makita kong ipinost niya, nagpaalam ako na ipo-post ko rin. Hanga ako sa tapang ng aming panganay."
Sa isa pang post, binunyag ni Anthony at Zoey na isang taon na ang nakakalipas simula nang malaman nila na mayroong leukemia si Zoey.
"Eksaktong isang taon na pala mula nung subukin ang aking pamilya ng isang karanasang hindi namin makakaya kung kami lamang. Bandang alas dos ng madaling araw, ginising ako ni Zoey na umiiyak dahil napakasakit daw ng kaniyang mga binti hanggang sa kaniyang hita.
"Nanalangin kami ng taimtim sa Ama at saka nagpasyang magtungo sa Delos Santos Medical Center. Andun kaagad ang aking Kumpadreng Doktor, si Doc Frank Detabali. Inasikaso kami pati ng kaniyang anak na Doktor din na aking inaanak na si Paola."
Pagbabahagi pa ng broadcaster na noong una daw ay akala ng mga doktor na mayroon lamang problema sa buto ni Zoey ngunit matapos ang ilang test ay na-diagnosed na nga ito sa bone marrow disease na naging resulta ng pagkaka-diagnosed ni Zoey ng karamdaman na leukemia.
"Si Doc Frank ay isang orthopedic surgeon, akala kasi namin ay isang sakit na may kinalaman sa buto ang sanhi ng mga kirot na idinadaing ni Zoey. Ngunit mas malubha pala (crying emojis).
“Si Zoey ay inilipat namin sa katabing hospital na St Lukes sa pangangalaga ni Doc Allan Robert Racho. Doon nakumpirma, ang aming panganay ay may bone marrow disease na sa bandang huli ay natukoy bilang LEUKEMIA. Parang guguho ang mundo naming mag-asawa lalo’t si Zoey na noon ay 11 taong gulang pa lamang, ay nakikita naming nahihirapan."
Sinabi din ng broadcaster na hindi sila tumigil sa kakadasal sa Panginoon para pagalingin ang karamdaman ng anak.
"Walang tigil ang aming pananalangin, kahit gusto sana naming ikubli sa aming anak ang pagluha upang ipakita sa kaniya na kami’y matapang at malakas subalit tuwing kami’y dudulog sa Diyos ay hindi maiwasan na kami’y tumangis.
"Pabalik balik ang aming anak sa ospital subalit ang hindi namin kinalimutan ay ang tagubilin ng aming Namamahala, ang Kapatid na Eduardo Manalo na ipagpatuloy ang pagpapanata at pagpapahid ng langis kay Zoey na kalooban ng Panginoong Diyos."
Pasalamat naman daw ang kanilang pamilya dahil sa patuloy na pagbuti ng kalagayan ni Zoey.
"Sa ngayon, patuloy na gumagaling si Zoey. Isang taon mula nang gisingin niya ako noong December 2 ng madaling araw, gising na gising ang aking kamalayan kung gaano kahalaga ang buhay ng tao subalit sa isang iglap ay andyan lagi ang takot na maaaring mawala ito."
Nagbigay din si Anthony ng mensahe para sa kaniyang anak. Sabi niya dito,
"Salamat sayo, Anak... Zoey... inspirasyon ka namin dahil sa yong katapangan at lakas. Wag kang mag-alala, maganda ka pa rin! Mahal na mahal ka namin ng Mommy mo at ni Helga.
Source: The Relatable
No comments